Alas Dos

“Gusto kita.”
Mga salitang narinig ko sa kabilang linya ng telepono
Lumundag ang puso
Hindi ko matanto

Dalawang linggo pa lamang pero katawa’y kumakawala na
Para akong tinamaan ng matalim na bala
Sa tuwing kasama siya’y parang lumulutang
Ngayon ko na lang uli ‘to naramdaman.

“Gusto rin kita.”
Bigkas ng aking mga labi
Hay salamat, nagkaaminan na rin
Tiyan ko’y nagkabuhol-buhol at dibdib ay umuungol
Tinamaan na ako;
Sobrang sapul na sapul.

Niromansa ako nang matatamis na salita
Ngayon ko lang naramdaman, ang gutom ko pala
Hinayaang magpahawak at magpahalik,
Ngunit sa t'wing tatanungin ko kung ano kami
Agad-agad siyang kakabig:

“Kaibigan lang kita.”
Ayun ang eksplenasyon niya.
“Kaibigan kita. 'Yun lang talaga.”

May hindi tama, pero ang lakas ng aking tama.
Ayokong pumayag, pero para akong nabulag,
Nakipaglaro sa apoy kahit alam kong ako’y mapapaso,
Tama sila, parang naitali na niya ako sa kanyang laso.

Pinaikot-ikot ako sa mga daliri niya
Akala niya siguro nakakalamang na siya
Pero hindi ako papayag na ako’y iisa lang sa marami
Pasensya ka, masyado kong mahal ang aking sarili

Ginapang at nilaban upang malaman ang aking halaga,
Hindi ako papayag sa laru-laro lang pala
Binilog aking ulo, dinaya aking puso
Buti na lang at nauntog rin ako

Ayoko na, kahit gusto kita
Ano ngayon kung pogi ka
Ano ngayon kung swabe ka
Ano ngayon kung macho ka
Respeto lang naman, huwag mo akong paglaruan
Mahal ko na sarili ko ngayon, hindi na ako talunan.

Paninindigan ko ang aking halaga.
Sorry brad, ‘di nako basta-basta.
Kung gusto mo lang ng pampalipas oras,
Heto ang pinto at makakaalis ka na.



—D

Share:

0 comments

Copyright © 2015 The Danah Soars. Designed by OddThemes | Distributed By Gooyaabi Templates